Ang bawat lugar ng mga Moro sa Mindanao noong unang panahon ay pinamumunuan ng mga Sulutan o “Sultan”. Ang bayan na kilala ngayon sa tawag na “ALAMADA” ay pinagharian ng iba’t – ibang Sultan noon pa mang wala pang dumating na ibang dayuhan sa lugar na ito. Isa sa mga nagmarkang Sultan sa panahong yaon ay ang matapang na si “Sultan sa Abpha”. Siya’y si Dathaman na binigyan ng “grar” na “SULUTAN SA ABPHA” na ang ibig sabihin ay binigyan o pinagkatiwalaan ng katungkulan at kapangyarihan na mamuno sa kanyang nasasakupan. Ang pagbibigay ng grar sa isang tao noon ay batay sa kaniyang pagkamaharlika at katapangan, kaya’t itong Sulutan sa ABPHA “Dathaman” ay kilala sa tapang, at pagiging matinik, hindi lamang sa pakikipaglaban kundi sa angking galing at husay nitong mamahala sa kanyang nasasakupan.
Si Sulutan sa Abpha I kung tawagin ay anak ng isa sa siyam na pinaniniwalaang angkan na pinagmulan ng mga Iranun – si Kapitan na namumuno noon sa kanyang teritoryo na tinatawag nilang “Nicaan” noong ikalabimpitong siglo. Ang kanyang ina ay si Bai a Pangaybat.Tatlo silang magkakapatid. Sina Sultan sa Abpha, Agambang – na tinaguriang “Dumiyalong sa Tabunan” na ang ibig sabihin ay “nagtago sa Tabunan”, at ang Sultan na namuno sa Dalidigan Edayo.
Napangasawa ni Sultan sa Abpha si Bai a Rimbang a Manis na anak ng kanyang pinsan na si Antolong sa Kapaad. Itong si Antolong ay anak ni Daday sa Kapaad na kapatid ni Kapitan. Si Daday ang naghari sa lugar ng mga Kapaad noon, kung saan ang Daday falls ngayon ay matatagpuan.
Nagkaroon ng apat na anak si Sultan sa Abpha at Bai a Rimbang a Manis. Ito ay sina Sidik, Parael na namuno din sa lugar ng Mil’p’s, Adap’n. at si Kabsaran. Ang mga inapo ng magkakapatid na ito ngayon ang ilan sa mga namumuno at nagpatuloy sa Sultanatong inumpisahan ng kanilang mga ninuno. Ang “grar” o bansag na Sultan sa Abpha ay patuloy pa ring ipinapasa sa mga napipiling pinuno o lider ng angkan. Umabot na sa apat na tao ang nakaangkin ng grar na ito. Samantala, ang grar ni Parael na Sultan sa Mil’p’s at ang anak ni Sidik na naging tanyag na namumuno noon sa lugar na tinatawag nilang Nicaan na binansagan o may “grar” na “Ampuan” na ang ibig sabihin ay “kinatatakutan” ay patuloy ring ipinapasa sa mga inapo nito.
Masasabing ang marka ng kahapon ay patuloy pa ring umuusbong at hindi nawawala. Naiiba man ang sistema na namamayani sa kasalukuyan, ang kulturang iniwan ng mga ninunong ito ay hindi nakakalimutan, bagkus mas lalo pa itong yumayabong. Ang mga inapo ng Sultan sa Abpha ay patuloy na binibigyan ng saysay ngayon ang kahulugan at kahalagahan ng pagiging Sultan. Ang Sultan sa Abpha IV Alex Sangka Polayagan ay pinagsisikapang ipakita at ipaliwanag sa mga makabagong henerasyon ang mga batas, tungkulin at responsibilidad ng isang pinuno na hinubog ng nakalipas. Kasama niyang patuloy na binibigyang halaga ang kasaysayan ng kanyang mga ninuno ang kanyang pamangkin at anak na si Norowadin Kaingco Ampuan at Bai Donna Polayagan Renawan – Pagrangan na niluklok sa kanilang trono bilang Sultan a Panuruganan at Bai a Labi a Panuruganan sa bayan ng Alamada. Ang salitang “Panuruganan” ay hango sa salitang “turugan” na ang ibig sabihin ay kaharian. Samantala, ang “Sultan” ay nangangahulugang lider o hari. Ang salitang “Bai a Labi” naman ay katumbas ng salitang “Reyna”. Kabilang rin sa mga inapo ng Sultan sa Abpha ang namumunong Sultan a Panuruganan at Bai a Labi a Panuruganan sa Royal House of Nicaan na sina Rakim Bado Ampuan at Omaira Renawan Macararab – Maulana. Hindi maipagkakailang ang angkan ni Sultan Dathaman ay hinubog sa Sultanato at patuloy na namamayani sa kanilang mga puso’t isipan ang mga kayamanan ng mga kulturang inumpisahan at iniwan sa kanila ng mga yumaong ninuno nila.