Naiisip mo ba kung saan kinuha o nagsimula ang pangalan ng lalawigan ng Quirino?
Ang pangalan na Quirino ay nanggaling sa pinagdugtong na pangalan ng dalawang matatapang na mandirigmang magkapatid na sina “Kirin at Ino”. Sa pagdating ng mga kastila ito ay isinulat na Quirino. Bakit hindi natin palalimin ang isip kung bakit Quirino ang tinawag sa lalawigan?
Kung pagmamasdan ang mapa ng Pilipinas ay mapapansin mo ang hugis ibon sa mapa ng lalawigan ng Quirino. Ang pinakaulo at tuka nito ay ang Bayan ng Maddela, ang pakpak naman nito ay ang mga Bayan ng Diffun, Saguday, Aglipay at Cabarroguis. Samantalang ang putol na buntot nito ay ang Bayan ng Nagtipunan. Malawak na magkakadugtong-dugtong ang mga malalaking bundok. Maraming mga kuweba, malilinis na talon at may mga nakakaakit na ganda ng mga tanawin. Maluningning ang kulay ng mga berdeng kahoy at mga luntiang pananim doon.
Noo’y bago pa man dumating ang mga Kastila ay may isang payapa at tahimik na lugar ng mga tribo sa gitna ng bulubunduking kagubatan. Mayroon itong nirerespetong matandang pinuno at may anak na dalawang lalaking matatapang na mandirigma na nagngangalang “Kirin at Ino”. Parehas silang matipuno at matapang pero si Kirin na panganay ay may kayabangan samantalang si Ino ay mapagpakumbaba.
Isang araw ay kinausap sila ng kanilang ama. “Mga anak, pinatawag ko kayo dahil nararamdaman ko na malapit na akong mawala sa mundong ito. Kaya hinahabilin ko sa inyo ang lahat ng ating mga katribo na ipagtanggol ang ating lugar sa mga mananakop at labanan ang sinumang magtangkang sakupin ito. At kung sino sa inyong dalawa ang makapag-isandibdib sa diwata ng kagubatan ay siyang magiging pinuno ng ating tribo”, ani ng matandang pinuno.
“Opo, Ama” tugon nila Kirin at Ino.
Hindi nila alam na ang magandang diwata ay nagiging malaking ibon sa pagsapit ng gabi. Ito ay isinumpa ng isang mangkukulam at ang tanging makakapagpabago sa kanyang anyo ay ang tapat na pag-ibig.
Kinaumagahan ay maagang umalis ang dalawang magkapatid upang hanapin ang diwata ng kagubatan. Ang panganay na mandirigma na si Kirin ay nagtungo sa kanlurang bahagi ng kagubatan at ang pangalawang matapang na mandirigma naman na si Ino ay nagtungo sa silangang bahagi ng kagubatan.
Isang araw, nakita ni Kirin ang diwata na nakikipag-usap kasama ang mga ibon sa ilalim ng puno at lubhang nabihag sa kagandahan ng diwata ang binata. Dahil sa kayabangan sa pagsasalita ay nabulabog ang mga ibon at biglang naglaho ang diwata.
Sa di sinasadyang pagkakataon naman ay narinig ni Ino ang diwata na umaawit sa gitna ng kagubatan. Pinakinggan niya ang awit nito at pinuntahan niya kung saan nanggagaling ang tinig. At laking gulat niya ng makita niya ang napakagandang diwata. Dahil sa mahinahong pagsasalita ng binata ay nabighani rin ang diwata. Sila ay malimit na nagkikita sa malinis na batis. At dahil gusto na ni Ino na pormal na ipakilala ang kanyang iniirog sa kanilang Ama ay sinabihan niya ang kasintahan na dumalo sa pagtitipon ng kanilang tribo kinagabihan. Kahit natatakot at kinakabahan ang diwata ay pumayag na rin siya sa pag-aakalang matatanggap ng binata ang totoong pagkatao nito.
Kinagabihan ay nabulabog ang kanilang nayon dahil may napakalaking ibon na dumating sa kanilang pagtitipon. Natakot ang mga tribo at inilabas ang kanilang mga sandata.
“Heto na ang tamang pagkakataon upang ipakita ko ang ang aking katapangan at upang ako ang piliin ni Ama bilang pinuno ng aming tribo” ani ni Kirin. Kaya lumabas ito at kinausap ang ibon.
“Maghanda ka ligaw na ibon. Dahil sa kalapastanganan mo sa aming pagtitipon, ngayon din ay mamamatay ka na” sabi ni Kirin.
“Ako ang harapin mo” sigaw ni Ino.
Bago pa man magsalita at magpaliwanag ang ibon na diwata ay naputol ni Kirin ang kanyang buntot. Natusok naman ni Ino ang puso ng diwata gamit ang kanyang sibat.
Matapos nito ay nagsalita ang diwata. “Ako ito aking mahal. Nagbabago ang aking anyo at nagiging malaking ibon pagsapit ng gabi” wika ng diwata. Huli na noong nalaman ni Ino na ang diwata ay ang kanyang sinisinta.
“Patawarin mo ako” umiiyak na sabi ni Ino.
Namatay nga ang ibong diwata. Dahil sa kabiguan ay parehong namatay ang dalawang magkapatid. Namatay sila dahil sa kalungkutan. Hanggang ngayon ay matatanaw pa rin ang hugis ibon sa mapa. Tanda ng pagmamahal ng isang malaking ibon sa isang matapang ngunit mapagmahal na mandirigma.
Sa paglaon ng panahon ay tinawag ng mga tribo ang kanlurang bahagi ng bulubunduking lugar na Kirin at ang silangang bahagi naman ay Ino. Sa pagdating ng mga kastila sa panahon ng pagdokumento sa mga iba’t ibang lugar sa Pilipinas ay napadpad sila sa bulukundukin bahagi ng Luzon, tinanong nila ang mga tribo kung ano ang pangalan ng lugar na iyon sa wikang Espanyol. Inakala ng mga tao na tinatanong ng mga Kastila kung sino ang kanilang matatapang na pinuno at sumagot sila. Ang sagot nila ay Kirin-Ino. Kaya sa araw na iyon isinulat ng mga Kastila na Quirino ang pangalan ng lupaing iyon. Mula sa pangalan ng dalawang matatapang na mandirigmang magkapatid na sina “Kirin at Ino”.
Hanggang sa kasalukuyan Quirino pa rin ang tawag sa lalawigang ito.