Ang pangalan na Cabarroguis ay nanggaling sa salitang espanyol na ang ibig sabihin ay “Garison”. Ito ay isang pook na kung saan malalaki ang mga harang at dito nahihimpil ang mga kawal upang makakubli sa mga kalaban. Ito rin ang pinagsama-samang salita ng mga Ilokano na “kabarbarro-a-bagis” na ang ibig sabihin ay bagong katay na lamang loob ng hayop na mahilig gawing ulam o pagkain ng mga Ilocano gaya ng “papaitan, kilawen” at “sinanglaw”.
Noo’y bago pa lamang na kapapadpad sa ating dalapamsigan ng mg Kastila gamit ang kanilang lulang pandagat ay napadpad sila sa dalampasigan ng Pilipinas. Inutusan ng Gobernador Heneral ang mga kawal upang alamin ang mga pangalan ng bawat lugar, ruta at pamayanan upang mapalaganap ang relihiyong Katolika Apostolika Romana, maparami ang kanilang kayamanan at mapalawig ang kanilang nasasakupang lupain.
“Pasyalan ninyo ang bawat bayan. Alamin ninyo ang iba’t-ibang kalye, daan at pangalan ng lugar,” utos ng punong tagapamahala.
“Opo, Mahal na Heneral,” sagot ng mga kawal.
Naghanda agad ang mga makikisig at matatapang na kawal at humayo sa bandang hilaga ng Pilipinas. Lulan ng mga karwahe at kabayo, nadaanan nila ang mga maputik, matarik at lubak-lubak na daanan hanggang nakarating sila sa bulubunduking bahagi ng kagubatan. Natakot ang mga kawal dahil bago pa man magpunta ang mga kawal ay nabalitaan nila na may mga tribong namumugot ng ulo kaya nagtayo sila ng isang garrison na sa salitang espanyol ay tinatawag nilang “Cabarroguis” upang magsilbing tahanan nila at makapagkubli sa mga tribong mandirigma habang inaalam ang pangalan ng bawat bayan.
Dahil hindi nila kabisado ang lugar ay napagkasunduan nilang magtanong kung may mga tao na puwede nilang mapagtanungan. Hindi naglaon ay may nakita silang grupo ng kalalakihang Ilokano na masayang nagbibiruan sa kalsada at kagagaling lang nila na magkatay ng hayop at papunta sa isang piging. Sila ay may dala-dalang karne ng hayop at lamang loob nito.
Nag-aalangan man ay lumapit pa din ang mga kawal at nagtanong sa mga ito. Gaya ng dapat asahan ng mga kalalakihan ay hindi nila maintindihan ang sinasambit ng mga kawal. Walang isa man sa kanila ang nakakaunawa sa salitang kastila. Nagtitinginan lamang sila at nakangiti o di kaya’y tumatango at umiiling.
“Anya met ti ibag-bagana daytoy nga tao? o Ano ba ang ibig sabihin ng mga dayuhang ito?” tanong ng isa.
“Madik man ammo o Malay ko ba!” tugon ng isang kasamahan nila.
Ang pinuno ng kawal ay lumapit pa nang kaunti bago muling nagsalita sa kanilang wika. Ang kahulugan ng kanyang sinambit ay ganito, “Ano ang pangalan ng lugar na ito?”
“Ah, ammo kon o alam ko na!” sa wakas ay bulalas ng isang lalaki. Tinatanong niya kung ano ang dala nila. Sinabi niya na “Naimas! Bagis ti alingo daytoy”.
Pinakita ng lalaki ang kanilang dala at laking gulat ng mga kawal nang makita ang lamang loob ng hayop. At inulit niya ito sabay turo sa mga ito “Kabarbaro nga bagis daytoy! Kabarbaro-a-bagis!”
At dahil sa hindi sila nagkaintindihan ay nagpasya na ang mga kawal na umalis at umuwi sa kanilang garison. Habang naglalakbay pauwi ay tinanong muli ng pinuno ang kaniyang mga kasama. Ngunit dahil sa hindi na nila ito maalala lahat ng sinabi ng mga kalalakihan at mabilis ang pagkakasalita nila, ang tanging naalala na lamang ng mga kawal ay ang umpisa at dulo nito na “kabar-rogis” at iyon na nga ang isinulat ng isang kawal bilang pangalan ng lugar. Isinulat nila ito sa salitang Espanyol na “Cabarroguis” na ang ibig sabihin sa Ilocano ay bagong katay na lamang loob ng hayop ngunit sa Espanyol ay “Garison” na ang ibig sabihin ay lugar kung saan nahihimpil ang mga kawal upang makakubli sa mga kalaban.