Return to site

ANG AGAMANG NI APO KABEY

ni: JACQUILYN E. WONG

Habang hawak ang umuusok na tasa ng kapeng barako, tahimik na nakatitig sa agamang na nasa harapan ng bahay ng kanyang tita si Sayadwa. Ito ang kanyang palayaw na siyang tinatawag sa kanya sa tuwing siya ay umuuwi sa kanilang probinsiya sa Bekigan, Sadanga, Mt. Province. Ipinangalan ito sa kanya ng kanyang Lola Kabey. Ang tunay niyang pangalan ay Jackie. Siya ay nakatira sa Baguio at narito lamang siya upang magbakasyon.

Pumikit siya habang inaamoy ang simoy ng hangin. Mahalimuyak ito sapagkat malapit na ang ani. Nilibot niya ang kanyang paningin sa luntiang paligid. Hindi maipaliwanag ang saya niya sa tuwing nakikita ang tanawin ng mga bundok at mga palayan. Ang mga kabayahan sa kanilang sityo ay nasa ituktok ng bundok. Mararating ito mula sa kabisera pagkatapos ng mahigit isang oras na pag-akyat ng mga bundok. Nakakapagod ang biyahe kung iisipin ngunit binabalik balikan pa rin niya ang kanilang probinsiya dahil sa taglay nitong karisma sa kanya. Ibang iba ang kasiyahan niya tuwing naroon siya. Malayong malayo ito sa kinalakhan niya sa siyudad. Bukod sa masarap ang simoy ng hangin ay napakapayapa pa. Tanging huni ng ibon, insekto at pati na rin ang mga manok at baboy na pinapakain ng mga kapitbahay. Napangiti siya habang hinihipan ang mainit na kape.

Hmmm, ito ang tinatawag na relaxation, sambit niya sa sarili. “Siguradong magiging masaya ang isang linggong bakasyon ko nito.” Naplano na nga niya ang gagawin niya para sa buong linggong yun.

Napukaw ang kaniyang pagmumuni-muni nang biglang may tumapik sa kanyang balikat.

“Uy, kumusta ka? Gawis tay wada ka gayam ay ninbakasyon asna ili tako.” (Mabuti at dumating ka para magbakasyon sa probinsiya natin.), nakangiting wika ng kaniyang Tita Farongay.

“Ay wen, auntie. Tapnu pasyarek ges dakayo asna.” (Opo, tita. Para po pasyalan ko din po kayo dito), masayang turan din ni Sayadwa. Tumayo siya para yakapin ang kanyang tita. May iniabot itong lutong kamote sa kaniya. Mainit init pa nga ito. Ito ang ikinatutuwa niya sa probinsiya, napakamagiliw ng kaniyang mga kamag-anak.

“Salamat sin inted mo ay kamote, auntie. Pumasyarak as avong yo as aw awni ta mailak na kakasinsin ko” (Salamat po sa ibinigay niyong kamote, tita. Papasyal ako sa bahay niyo para makita ko rin ang mga pinsan ko), tuloy pa ni Sayadwa. Inalok niya ang kanyang tita ng kape ngunit tumanggi ito kasi kailangan niyang patubigan ang mga palayan niya sa ibaba ng bundok. Nagpaalam ito at ipinagpatuloy niya ang pagkakape.

Tumayo siya upang pagmasdan ang istraktura sa harapan niya. Naisip niya ang kanyang Lola Kabey sa tuwing nakikita niya ang agamang o rice granary sa ingles. Sa ibang mga lugar sa Kordilyera ay may ibang tawag dito. Dito iniimpok ang mga palay na hindi pa napapakiskisan.

Napangiti siya nung maalala niya ang napakaraming tanong niya sa kanyang lola tungkol dito nung siya ay maliit pa lamang. Labing dalawang taong gulang pa lamang siya noong unang iuwi siya ng kanyang lola para makapagbakasyon sa probinsiya.

Apo, apay nga maid vinta na na agamang? Apo, apay nga kaew na inusar da ay nang gaev sina agamang pan vaken sisim tapnu mas vumayag? (Lola, bakit walang bintana ang agamang? Lola, bakit kahoy ang ginamit sa paggawa ng agamang bakit hindi yero para mas matibay?) Ito at marami pang inosenteng tanong ang ipinukol niya sa kanyang lola.

Sinagot naman ito ni Lola Kabey ng mabuti.

“Maid vinta na agamang tapnu adi umuneg na otot yana tapin na ayop ay mangan sa pagey. Kaew na inusar da tay siya na insuron na allapo.” (Walang bintana ang agamang para hindi ito pasukin ng mga daga at kung ano pang mga hayop na kakain ng mga inaning palay. Kahoy ang ginamit dahil iyon ang turo ng mga ninuno natin.), malumanay na tugon ng kanyang lola.

Masayang tatango si Sayadwa at maya maya ay mag-iisip na naman ito ng itatanong pagkatapos ilibot ang paningin sa paligid. Napakabait at pasensiyosa ng kanyang lola kung kaya’t sasagutin niya ang mga ito nang nakangiti.

Ipinagpatuloy niya ang paglilibot hangga’t nakita niya ang lumang ukit sa isang parte ng agamang. Napangiti siya at binasa ito.

“Jackie loves Arnel.” Namula bigla ang mukha niya ng maalala ang lalaking unang nagpakilig sa kaniya. Hay, nakakatawang isipin na may mga pangyayaring ganun sa kaniyang buhay. Sampung taon na ang nakalipas noong isulat ito ng pinsang babae para asarin siya nito. Madiin ang pagkakasulat nito gamit ang bolpen kung kaya’t mababasa pa rin ito. Si Arnel ay may asawa na at may isang anak. Si Sayadwa naman ay nagtuturo na sa isang malaking unibersidad sa Baguio ngunit wala pang asawa.

Napailing na lang si Sayadwa sa pagbuhos ng kaniyang nakakatawang alaala. Tila kulang pa nga at naalala din nito ang gawain nila ng kaniyang mga pinsan noon kapag wala silang pambili sa inilalakong mangga ng mga galing sa kabisera. Kumukuha sila ng bigas sa lalagyan at ito ang ipinambabayad sa mga mangga o kahit anong prutas na ibinebenta. Bawat isang kilo ng prutas ay isang supa o malaking lata ng bigas.

Magtataka ang mga lolo at lola nila kung bakit mabilis maubos ang bigas sa lalagyan. Kalaunan ay aamin din silang magpipinsan at sasabihin ang totoo sa kanila. Pagsasabihan naman sila na huwag uulitin at huwag mag-aaksaya ng bigas dahil mahirap ang pagtatanim at pag-aani nito. Sapat lang ito para sa kanilang pang-araw araw na pamumuhay.

Minsan, tinawag ni Lola Kabey ang kaniyang mga pinsang lalaki para kumuha ng mga palay para papakiskisan o di kaya ay babayuhin para may bigas na lulutuin. Sumama si Sayadwa para tignan ang loob nito. Sobra ang kuryosidad nito sa hitsura ng agamang sa loob.

“Gag-awissan met gayam as uneg na. Kaman wada na balitok tay siya na kulay na pagey,” (Nakakamangha naman sa loob. Parang may mga ginto dahil sa kulay ng mga palay na nakaimbak)sambit ni Sayadwa. Tumawa ng malakas ang mga pinsan niyang lalaki.

“Usto dadlo ya. Siya sa na balitok tako tay siya na mangbiyag kadatako,” (Tama naman siya. Ang palay ay parang ginto o kayamanan natin dahil iyan ang kailangan natin para mabuhay tayo.) sagot ni Lola Kabey sa kanila.

Tama nga yung sinabi ni lola, sabi ni Sayadwa sa sarili.

Bumalik sa kasalukuyan ang kanyang huwisyo nang marinig niya ang boses ng kanyang lola.

“Sayadwa, ala, umey mo megmegan na manok sa vagas ta mangan da. Nu marpas, ilam saken asna agamang ta umara ta sa pagey,” (Sayadwa, pakainin mo ng bigas ang mga manok. Pagkatapos ay tignan mo ako dito sa loob ng agamang para kumuha tayo ng palay.) ani ng kanyang lola.

Tay-en ya apo? Apay inpakiskis tako? (Bakit po lola? Magpapakiskis po ba tayo ng palay?) tanong ni Sayadwa.

“Peteg na sagugong tako ay alitao yo isu nga in irey ta sa vayuen da ta wada na utuen da. Mavayag di ay umey masipot,isu ka pay ay turong tako kan deda,” (May sakit ang kapitbahay natin na tito mo kaya magdala tayo ng ilang bungkos ng palay para may lulutuin sila. Baka matagalan siyang hindi makapagtrabaho. Kahit papaano ay may maitulong tayo sa kanila.) sagot ng kaniyang lola. Tumango siya at pinakain ang mga manok.

Ito ang isa sa ipinagmamalaki ni Sayadwa sa kanilang lugar. May pagkukusa at pagtutulungan ang mga tao. Nakilala at hinangaan pa nga ang lalawigan ng Sadanga noong panahon ng pandemya dahil sa kanilang pagtutulungan at communal living. Mahirap man o kadangyan (may kaya) ay nagtutulungan upang walang magutom sa kanila. Tinanggihan nila ang mga ipinadalang ayuda para sa kanila at ipinamigay ito sa ibang lugar na mas nangangailangan ng mga ayudang iyon.

Pumunta si Sayadwa para tulungan ang kanyang lola.

“Ivaak sika apo ay mag irey sa pagey,” (Samahan kita lola na dalhin ang mga palay.) pagboboluntaryo ni Sayadwa.

Ngumiti ang kaniyang lola.

“Aye od pay nu maekwat mo,” (Sige nga kung kaya mong buhatin.) tukso ng kaniyang lola.

“Siempre ah apo, uray nu kuttongak,” (Siyempre naman lola kahit payatot ako.) turan niya.

Binuhat niya ang isang bungkos at sinundan ang kanyang lola. Napansin niya na kaunti na lang ang natira sa loob ng agamang.

“Apo, akit et met na karga na ket apay in ited ka pay laeng sina ado?” (Lola, konti na lang ang laman ng agamang pero bakit marami pa rin kayong ibibigay?) tanong niya sa kaniyang lola.

“Adi bale ket asideg et na apit. Gawis et ay datako na in ited kaysa datako na attan da, bendisyonan datako kan Apo Dios,” (Di bale na kasi malapit na ang ani. Mas maganda na tayo ang nagbibigay kaysa tayo ang binibigyan. Bebendisyonan tayo ng Diyos.) makabuluhang sabi ng kaniyang Lola Kabey.

Napatango si Sayadwa dahil sang-ayon siya sa sinabi ng kaniyang lola. Napakabait talaga ng kanyang lola.

Dinala nila ang mga palay sa bahay ng kaniyang tito.

“Hello, uncle, inmali kami. Inpagawis kayo ah,” (Hello, uncle. Andito po ako. Pagaling po kayo.) sabi ni Sayadwa.

“Ay gawis tay wada ka pet ay inmali. Ey, ikararag tako ta gumawisak ta kasi umey masipot ta way kanen na pamilya,” (Mabuti at dumating kayo. Oo, ipagdasal natin na gumaling ako para bumalik ako sa trabaho at may kainin ang pamilya.) sagot ng kaniyang tito.

“Wen, uncle. Inpagawis ka garud,” (Sige po, tito. Magpagaling po kayo.) nakangiting sabi ni Sayadwa.

Pagkatapos makipagkwentuhan sa mga naroon, nagpaalam na rin sila ng kaniyang lola at naglakad pabalik sa kanilang bahay.

May bilin pa nga ang kaniyang lola.

“Sayadwa, sesemken ay tumrong sa kasin ipugaw uray nu akit na wada,” (Sayadwa, laging iisipin na tumulong sa kapwa kahit konting konti ang meron ka.) bilin nito.

“Wen, apo,” (Opo, lola.) sagot ni Sayadwa.

Hinawakan niya ang kamay ng lola habang naglalakad. Tanaw niya ang munting agamang ng kaniyang Lola Kabey. Ngunit kahit malayo pa lang ito sa kinaroroonan nila ay tila napakalaki nitong tignan. Para itong nagmamalaki sa kanya at nagpapaalala na kahit ito man ay munti ay malaki ang impluwensiya nito sa lahat ng tao sa lugar na iyon. Para kay Sayadwa, sinisimbolo nito ang mabuting puso at kultura ng pagtutulungan ng mga tao sa Sadanga.

------------------------------------------WAKAS---------------------------------------------