Return to site

AMPALAYA

MA. THERESA C. RAMOS

· Volume II Issue III

Ang paborito kong gulay, ang kamatis. Nung bata pa ako, pag dumarating si nanay, galing sa palengke. Yun agad ang hinahanap ko, kamatis. Huhugasan ko lang yun tapos kakainin ko na kahit hilaw pa. Masarap kasi talaga ang kamatis nakakapag pakinis ng balat.

Dati ayoko talaga ng kalabasa, ampalaya at bangus. Di ko talaga makain. Pag yun ang inihahain ni nanay, nagkukunwari ako na busog na ako. Pero sa totoo, ayoko lang talaga. Minsan, wala si nanay, wala din ako pera.

Eh gutom na ako, paano na ito? Tinignan ko ang lagayan ng ulam, patay na kalabasa at ampalaya. Anong gagawin ko? Intayin ko kaya si nanay. Gabi pa yun uuwi. Paano na yan? Gutom na talaga ako. Sige na nga bahala na.

Sumubo ako ng isang subo, halos maiyak ako sa pait ng ampalaya. Nakakaiyak talaga, parang gusto ko na isuka. Kaso wala ako choice. Isinunod ko ang kalabasa, halos maiyak din ako. Pambihirang buhay naman ito. Galit talaga si nanay sa akin.

Walang ibang ulam, alam na ayaw ko nito. Sige kain, nguya, lunok. Ang pait talaga. Grabe, nanay, umuwi ka na. Please. Pero di dumating si nanay. Hanggang sa maubos ko na ang ampalaya at ang kalabasa. Hinugasan ko na ang pinagkainan ko nang dumating si nanay.

Mangiyak ngiyak akong nagkuwento ke nanay sa nangyari kanina nang kumain ako. Natatawa pa si nanay, lalo akong umiyak. Inalo naman ako ni nanay, anak, yan lang talaga ulam natin, di pa kasi ako nasahod. Hayaan mo bukas iba na ulam mo. Promise ha. Sabi niya, oo iba na ulam bukas.

Kinabukasan pag-uwi ko, nagmamadali pa naman ako dahil totoong gutom na ako, kulang kasi ang pinabaon ni nanay sa akin kanina. Ano kaya ang ulam naming, siguro manok o baboy? Pagbukas ko nang kaldero, ampalaya na naman na may isda at kalabasa na may konting baboy.

Naiyak na naman ako, si nanay talaga, galit sa akin.Ayoko na ako pakainin. Sabi niya iba na ulam ko, e eto naman ampalaya at kalabasa na naman. Napaisip ako sa sinabi niya kagabi, di pa kasi kami nasahod anak, konting tiis anak, pasensya ka na, sabi pa niya. Nun ko naintindihan, wala pala talagang pera si nanay.

Kaya huwag na ako mamili, buti nga may pagkain pa kami, yung ibang bata nga, walang makain. Sige kainin ko na nga ito. Sigurado pinagpaguran ni nanay iluto ito kanina. Masarap naman pala ang ampalaya at kalabasa. Di naman pala masama ang lasa.

Maarte lang talaga ako. Ngayon, alam ko na, kakain ako ng gulay, kasi pinaghirapan ni nanay ang pambili nito. Di ko na ito sasayangin pa. Kahit ito pa araw-araw ang ulam ko, kasi kailangan naming magtipid.

Dumating si nanay, may dalang ibang ulam. Sabi, Oh anak, may ulam na. Sabi ko tapos na po ako. E ampalaya at kalabasa lang ang nailuto ko kanina, nagmamadali na kasi ako. Sabi ko, ok lang iyon nanay, masarap ka naman magluto.

Hayaan mo di na ako mamimili ng ulam, kahit anong ulam kakain na ako, pangako. Nakangiting yumakap si nanay sa akin, at bumulong, salamat anak at nauunawaan mo.

Opo nanay, naiintindihan ko na po. Sorry po. Ngumiti lang si nanay. Alam ko na alam niyang ok na sa akin ang lahat. Tanggap ko na kahit anong ulam kakainini ko na.