Return to site

AMANG 

ROSELLE M. TEMPLONUEVO

· Volume IV Issue I

Kabisado ng aking mga munting braso

ang bilugang tyan ni Amang

sa mga umagang magigising ako

at siya’y nahihimbing pa rin

 

Kung ito ma’y hindi mahanap ng aking mga bisig

Alam kong maaga na niyang nilulan

Kasama ang mga lambat ng kaniyang pananalig

Upang doon, muna manatili,

Kapiling ng bangkang mas pinatitibay ng mga katig

 

Kaylanma’y hindi ako nasiyahan

sa umagang kumot ang yakap-yakap ko,

tuwing pilit na tumatagos ang lamig

na tila’y ipinalalala ang mga pangangamba sa laot

 

Mapapawi lamang ito

nang pag-uwi ni Amang,

Hatid ng mga mga along nagbabadya

kasama ang sagot sa aming mga dalangin

sa ibabaw ng mesa

 

Marahil ay masisiyahan muli ang aking mga bisig

sa mga susunod na araw

Kahit na alam na alam ko ring sa mga umagang katulad nito

ay kapalit ang mga dalanging hindi muna mapakikinggan

 

Naging kakaiba ang araw na ito

Sigurado akong hindi ko dapat nahahaplos ang tiyan ni Amang

Maaga pang dapat nasa laot na ang bangka

ngunit ramdam ko pa rin ang malakas niyang paghinga

 

Hanggang sa naging araw-araw na ito,

Na noong akala ko’y bagyo lamang ang makakapagpapauwi kay Amang

Akala ko’y bagyo lang rin ang makasisira sa aming mga sikmura

Nang biglang ang isla’y naging laot ng pangamba at pagkabahala,

Dulot ng pandemyang, walang nakaaalam kung sino ang nag-anyaya

 

Ani Amang,

“Bangka ang aking isla sa laot, na tulad sa peste ngayon,

ay inihihiwalay ako sa walang kasiguraduhan,

Ngunit nasa lalim nito ang aking ikinabubuhay

kung kaya’t pipiliin ko pa ring suungin, hanggat kaya pa,

Mag-iingat, ibubuwis ang buhay,

dahil ito lamang ang alam kong paraan upang kayo’y guminhawa”