Tuwing sasapit ang ika- 24 ng Hunyo, ang aming sintang bayan ng Balayan sa Batangas ay nagiging sentro ng kasiyahan at kulay sa pagdiriwang ng Parada ng Lechon. Ang pagdiriwang na ito sa aming nayon ay bahagi ng pista ni San Juan Bautista at itinuturing na isa sa pinakaaabangan na okasyon sa buong probinsya. Sa likod ng masaganang salu-salo at makulay na parada ay ang malalim na kahulugan ng tradisyon at pagkakaisa naming mga Balayeño.
Ang Parada ng Lechon ay nagsimula bilang isang simpleng pag-alay ng mga inihaw na baboy sa patron ng kanlurang bayan, si San Juan Bautista. Sa paglipas ng mga taon, ang simpleng tradisyon na ito ay lumago at naging isang malaking pagdiriwang na dinarayo ng mga turista mula sa iba't ibang panig ng bansa. Ang bawat barangay sa Balayan ay nagsasagawa ng kani-kanilang paghahanda, nagpapakita ng kanilang pagiging malikhain sa pagdedekorasyon ng lechon at karosa.
Ang paghahanda para sa Parada ng Lechon ay isang seryosong bagay para sa aming mga residente ng Balayan. Hindi lamang lechon ang inihahanda kundi pati na rin ang mga dekorasyon at mga aktibidad na magpapasaya sa araw ng pista. Bawat pamilya, grupo, at barangay ay nagtutulungan upang maging matagumpay at makulay ang parada. Ang lechon ay maingat na iniihaw upang maging perpekto ang luto—malutong ang balat at malasa ang karne na tunay na hahanap hanapin at patok sa panlasa.
Sa mismong araw ng parada, ang mga kalsada ng Balayan ay puno ng kasiyahan at kulay. Ang mga lechon ay naka-display sa mga karosa, pinalamutian ng iba't ibang disenyo at tema. May mga lechon na nakadamit ng tradisyonal na kasuotan, mayroong nagmula sa makabagong konsepto, at ang iba ay kinabibilangan ng mga makasaysayang karakter. Ang bawat karosa ay sumasalamin sa pagkamalikhain at kultura ng mga Balayeño.
Kasabay ng parada ay ang tradisyunal na basaan, kung saan ang mga tao ay nagbabasaan gamit ang tubig bilang paggunita sa pagbibinyag ni San Juan Bautista. Ang basaan ay simbolo rin ng pagpapadalisay at pagbibigay-buhay, na nagdaragdag saya sa pagdiriwang.
Ang Parada ng Lechon ay higit pa sa isang simpleng pagdiriwang. Ito ay isang pagninilay ng kultura, tradisyon, at pananampalataya naming mga Balayeño. Ang pagdiriwang na ito ay nagbubuklod sa komunidad, nagpapalakas ng aming pagkakaisa, at nagpapakita ng aming pagmamalaki sa aming baying sinilangan. Sa kabila ng modernisasyon, nananatili ang tradisyong ito bilang isang mahalagang bahagi ng aming pagkakakilanlan.
Ang Parada ng Lechon sa Balayan ay isang halimbawa ng kung paano pinapahalagahan ng mga Pilipino ang aming mga tradisyon at kultura. Sa kabila ng mga pagbabago sa lipunan, ang mga ganitong pagdiriwang ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pagkakaisa, pananampalataya, at paggalang sa ating mga nakagisnang kaugalian. Ang Parada ng Lechon ay hindi lamang isang pista kundi isang patunay ng mayamang kultura at kasaysayan ng Balayan, isang inspirasyon para sa mga susunod na henerasyon na patuloy na ipagmalaki at ipagdiwang ang pagka-Pilipino.