Return to site

"ALEGORYA" 

TRISHA CASEY D. CORTEZ 

· Volume IV Issue I

Suot ang kwintas bitbit ang lampara

Sa paligid ay mata ang iginala

Marka't galos sa balat ay di alintana

Sagisag ng pagliyag sa kaniya

 

Maya-maya'y sa pagnita

Munting ibon ang siyang nakita

Nilalang na inakalang pag-asa

Sa bangungot ng nakaraa'y siyang magdadadala

 

Tirik ang mata at di na makilala

Kung hindi bato'y paninigas ang napala

Ang puting balahibo'y dagliang naging pula

Animo'y di kinaya palasong tumama

 

Bawat hakbang sa gubat na mapanglaw

Lakas sa kaniya'y pilit inaagaw

Tulad ng langit na kulang sa tanglaw

Liwanag sa mukha'y di na matanaw

 

At doon sa inakalang katapusan

Natagpuan sagot sa katanungan

Sa pagsilay ng liwanag mula sa kalangitan

Isang damo ang kaniyang nataptapan

 

Sa kabila ng hanging humahagupit

Damo ay tumatayong pilit

Handang indahin bawat sakit

Ugat lang ay di mawaglit

 

Walang baluti, walang armas

Bangis sa kaniya'y pilit umaalpas

Sa kabila ng kadilimang wagas

Kulay niya'y hindi nagwawakas

 

Sa isang iglap paghihirap ay di na mabakas

Madilim na mukha'y biglang umaliwalas

Ngiti sa labi'y di napigilang umalpas

Sabay tanaw sa buwang saksi sa walang wakas