Return to site

ALBUM

ni: JON-JON A. OYALES

Nanginginig ang tuhod ni Pina habang naghihintay na tawagin ang kaniyang pangalan kasama ng mga dasal kay Santo Niño. Malimit niyang tingnan ang sarili sa cellphone niya kung maayos pa ang make-up at damit niya. Tinitiis niya ang pakiramdam na humahatak sa kaniya sa CR. Naka-corprate attire kasi siya at malapit na rin kasi siyang tawagin. Marami ang kasabay niya, nasa dalawampu ang kaniyang nabilang sa pila.

Ninenerbiyos siya. Unang sabak niyang mag-apply sa trabaho bilang kahera. Matagal-tagal rin kasi siyang natengga mula nang mag-gradweyt siya. Minarapat niya kasing antaying matapos ang kaniyang kapatid sa kolehiyo bilang guro at alagaan ang kanilang ina na may sakit na di na makapaglakad nang walang umaakay. Dalawang taon na rin ang lumipas at ngayong ulila na sila sa mga magulang ay kinailangan na niyang maghanap ng trabaho.

“Josipina Magtios!” mahinahong tawag ng HR sa kaniya.“Po!” sagot niyang may kaba’t sabay hingang malalim. Sunod ka na po! Opo, salamat po! matamis niyang sagot at pumasok na siya. Ilang sandali pa ay bakas ang tuwa sa mga nanggigilid na luha sa mata ni Pina. Sa wakas natanggap siya at kinabukasa’y nagsimula na siyang mamasukan sa SM.

Hatid-sundo siya ni John na kababata niya at matagal na niyang kasintahan. Madalas silang kumakain sa isang karenderiya malapit sa SM bago umuwi. Madalas ring libre siya nito ayaw ni John na si Pina ang nagbabayad dahil nakakawala raw imaheng lalaki ito. Maginoo si John at mapagprotekta sa kaniya. Sikyu kasi ito ng SM.

Masaya si Pina sa piling ni John, kahit meron sila selosan at hindi pagkakaintindihan, Madali naman nila itong nadadaan sa mahinahong usapan. Wala siyang matandaang sinigawan siya nito o ‘pinahiya sa lansangan. Sinasarili na lamang nila ang mga problema, lalo na nang maging magkasama na sila bilang mag-asawa. Tipikal na mag-asawa kung sila ay titinggnan, ngunit namamayani ang pag-uunawaan nila sa isa’t isa.

Subalit tulad ng isang normal pagsasama, dumarating ang dagok at pagsubok sa buhay nang manalasa ang COVID-19 at mapilitan ang kompanya ng SM na mag-Lay-off ng mga trabahante at sabay silang mawalan ng trabaho kahit dalawangpung taon na silang namamasukan dito. Naging masalimuot ang buhay sa kanila at sa lima nilang anak. Nagsimula silang mamuhay ng salat sa halos lahat ng bagay at pagkakataon. Lalo pa nang sila ay mapaalis sa inuupahang bahay dahil sa hindi na nila ito mabayaran at tumira sa lansangan. Tiniis ang init at lamig ng lansangang puno ng ingay at panganib. Nakipag patentero sila sa mga MMDA na nanghuhuli ng mga eskuwater sa daan.

Mas madalas ang patak luha sa mukha ni Pina kaysa sa pawis ng katawan. Mas malimit ang kalam ng sikmura kaysa sakit ng ulo sa pag-aalaga sa lima niyang anak. Habang si John ay mas mahaba ang umaga kaysa sa gabi bilang kargador ng isang komprada at mas mabigat ang bitbit ng problema kaysa sa kargang sako-sakong bigas at palay. Tila singtumal ng pagkakataon ang perang dumadantay sa kanilang mga palad at mas mabilis pa itong mawala kaysa sa mga sasakyang sa gitna ng “bottle-neck traffic” sa EDSA.

Nagsimulang gumawa ng paraan ang kamay ng Diyos nang matanggap siya bilang kasambahay at sinuwerteng magkaroon ng mababait na amo at kalauna’y naging hardenero naman si John. Dito niya napatunayang marami pa rin ang may mabuting kalooban kaya bilang ganti ay magkasama nilang binatak ang kanilang mga katawan sa trabaho at di inalintana ang hirap at pagod. Pinagbuti nila ang gintong pagkakataong iyon hanggang animo’y hangin lang na lumipas nang maitawid nila at mapagtapos ang mga anak sap ag-aaral na nagbigay sa kanila ng kagaanan ng pasan sa balikat. Laking pasasalamat nila sa Poong Maykapal na di sila pinabayaan. Ang kanilang matibay na pananalig sa Diyos at sa kanilang matatag na pagtalima sa kanilang pangako sa isa’t isa ang kanilang naging sandata at kalasag laban sa mga suliranin ng buhay.

Sa tulong at pagmamahal ng kanilang mga anak, naihaon nila ang kanilang buhay sa lusak ng kahirapan at namumuhay na ng mas angat kaysa dati. Nagkaroon ng sariling bahay at lupa. Nakakakain na ng mga pagkaing halos ipinagkait sa kanila noon. May regular ng mga hanap buhay habang silang mag-asawa ay may sarili ng farm sa Bicol.

Parang kailan lang ano…, pabulong na sabi ni Pina kay John habang siya ay nakaupo at pinagmasdan ang lawak ng karagatan habang ang haplos ng hangin sa mukha nito’y ipinapadpad ang puti na niyang buhok.

Maya-maya pa ay pinagmasdan niya si John habang nakatayo sa guard-house na nagbabantay sa bawat pumapasok na sasakyan sa ground floor na parking lot ng SM. Naaalala pa niya ang bawat sabaw na inoorder nito sa karenderya at ang mga nilalakad nilang highway ng EDSA patungong Cubao kapag walang pamasahe’t tagtuyot ang bawat bulsa. Ang sardinas, tuyo, at sitserya na siyang naasahan nila sa taggutom; at ang bawat basong tubig na pamatid uhaw na rin sa kanilang trabaho.

Palagi paring naaalala ni Pina ang mga sandaling sinubok sila ng unos ng panahon at ng mga bagyo sa buhay mag-asawa. Hindi niya makalimutan ang pagkakataong wala ni isa sa kanila ang bumitaw at nawalan ng pag-asa. Dinarang sila sa apoy ng mga pagsubok sa buhay. Pinagtibay ng determinasyong lampasan ang makipot na daan patungong katiwasayan. Napagtiyagaan ang kawalan at kakulangan, at itinuring na hamon ng buhay. Napagtabumpayan nila ng sama-sama, walang sumuko, at naging mahina. Kahit halos lunurin sila sa kahirapan ay pilit nilang linangoy ang karagatan ng pagsubok at tinawid ng buo ang pagtitiwala sa Panginoon kasabay at kasama ang pangako sa isa’t isang magsasama ng habang buhay, sa hirap at ginhawa, at sa sakit at kalusugan.

Hay, ang buhay nga naman, buntong hininga niya habang dahan-dahang isinasara ang album nilang mag-asawa at niyakap ng mahigpit.

Lola, halika ka na! sigaw ng kaniyang mga apong lumalangoy kasama ng kaniyang mga anak. Pinipilit niyang tumayo mula sa kaniyang wheelchair at inalalayan siya ng nurse niyang apo. Halika po lola Samahan mo kaming maligo, sigurado ako na matutuwa si lolo John na makita kang nagtatampisaw sa dagat. At siya’y naglakad at patuloy na ninamnam ang ganda ng mga nagdaang mga sandali sa buhay nila sa ika limampung anibersaryo nila ni John bilang mag-asawa.