Nakakabinging katahimikan aking naulinigan,
Sa pagdating ng isang trahedyang sadyang kinakatakutan,
Mga nautal na labi, at pigil- hiningang mga katanungan,
Bakit ba humantong sa isang dagok na ang lahat ay naapektuhan?
Mga katakot-takot na hinaing, nanangis na damdamin,
Ang sumikil sa mga isip na halos sumambulat na rin,
Ngunit ang pananalig sa Taas,
Pangamba’t -takot ay pilit na pinatatakas.
Katakot-takot na mga katanungan, isip ko’y nagulumihan
Sa paglabas sa bahay ay pinutol nang panandalian,
Paano ko maiiwasan at mapangangalagaan?
Na ako at aking ginagalawan ay ligtas sa kapahamakan?
Pagsunod sa payo sa mga kinauukulan,
Mga ligtas na kaalaman aking tinandaan,
At mapagbigay-alam sa kalahatan,
Na ang pagsunod ay may mabuting kahihinatnan.
Pangambang aking kinatatakutan
Telang-takip sa bibig ko di-kinakalimutan
Pagdala ng mga pang-mediko ay pinaglalaanan,
Ritwal ko na sa aking paglabas sa tahanan
Komunidad ko’y pinanatili ang kalinisan.
Mga bagay na dapat iwasan, aking pinagtutuunan,
Mga gawaing-pangkalusugan,
Pinanatili ko sa aking isipan.
Mga panaghoy at pagkabagot
At pilit gumigising sa tila- bangungot
Tanging sa Kanya na lamang humuhugot ng malaking sagot.
Na ang tanikala ng pandemya ay malagot
Ngunit Ako, at tayong lahat sa gitna ng pandemya,
Na hinangad na makalaya, di -inalintana ang salitang di-kaya
Tatayo’t pag-igting sa abilidad na susupil sa anumang kalamidad,
Di susuko’t tiklop-tuhod sa Itaas panalangi’y matupad.