Sa bahay………
“Nanay, nanay handa na po ako sa pagpasok” ang masayang wika ni Mina.
“Anak, sandali kailangan ko munang ligpitin ang pinagkainan natin.”
“Sige po nanay tutulungan ko na po kayo.”
“Naku! Salamat Mina, magiging madali ang aking gawain.”
Nang matapos na nila ang gawaing bahay, umusal muna sila ng isang panalangin bago sila umalis patungo sa paaralan.
Sa paglalakad nina Mina at Gng. Sales, isang guro sa Baitang VI makikita na maraming bata ang kanilang kasabay sa paglalakad patungong paaralan.
Isa-isa sa mga ito ay bumabati kay Gng.Sales, mga mag-aaral man o magulang.
Sa kabilang bahagi maririnig ang isang nanay na sinasabi sa kanyang anak na……
“Tin-tin siya ang naging guro ng ate mo.”
“Ay! nanay siya po ba ang tinutukoy ni ate na isa sa mga mababait at mahuhusay na guro?”
“Oo Tin-tin, siya ang isa sa mga naging dahilan kung bakit naging matagumpay si ate mo.”
Si Gng. Sales ay isa sa mga guro na matiyagang nagtuturo sa mga bata at nagbibigay inspirasyon sa lahat ng bata na magkaroon ng pagmamahal at tiyaga sa pag-aaral.
Sa paaralan…….
Dali-daling kukuha ng walis si Gng. Sales.
Ang ilan sa kanyang mga mag-aaral ay abala din sa pagtulong sa paglilinis ng loob at labas ng silid-aralan.
Sa loob ng silid-aralan, ang mga bata ay masiglang nakikinig kay Gng. Sales.
Araw-araw, iba’t-ibang kaalaman ang kanilang natutunan. At ito ay sa tulong ni Gng. Sales, ang butihin nilang guro.
Pagsapit ng hapon, uuwi ang mga bata na may ngiti sa kani-kanilang labi, sabay-sabay nilang sasambitin, “Paalam po Gng. Sales, maraming maraming salamat po. Ingat po kayo pag-uwi.”
May ngiti ding makikita sa mga labi ni Gng. Sales.
Sabay sabi na, “walang anuman mga bata. Bukas muli, sa muli nating pagkikita. Mag-iingat din kayo pag-uwi.”
Sabay kaway ng kamay ni Gng. Sales sa kanyang mga mag-aaral.
Sa pag-alis ng mga bata, mapapansin na maiiwan si Rico.
“Rico bakit hindi ka pa umuuwi?”
“Ayaw ko pa pong umuwi Gng. Sales?”
“Bakit may problema ka ba?”
“Hindi ko na po nais pumasok?”
“Rico bakit sinasabi mo ang bagay na iyon?”
“Lahat halos ng mga bata ay masaya at nagnanais na pumasok sa paaralan.”
“Pero ako Gng. Sales ayaw ko na po. Ayaw ko na pong mag-aral.”
“Maaari mo bang sabihin o ipaliwanag sa akin kung ano ang iyong problema?”
“Para saan po Gng. Sales, matutulungan ninyo po ba ako?”
“Rico, matutulungan kita. Sige sabihin mo sa akin ang iyong problema.”
“Matutulungan po ninyo ako? Sa paanong paraan po Gng. Sales?”
“Ipaliwanag mo sa akin at makikinig ako.”
“Si nanay po kasi……….”
“O ano ang mayroon sa iyong nanay?”
“Kahit po kasi minsan hindi po niya ako natulungan o naturuan man lamang sa aking mga aralin at proyekto. Kaya ……….”
“Kaya ayaw mo na mag-aral ganun ba?”
“Opo, Gng. Sales nahihili po ako.”
“Kanino ka nahihili?”
“Kay Mina po at sa iba pa pong bata.”
“Bakit naman?”
“Kasi gaya po ni Mina inyo po siyang natuturuan at natutulungan sa kanyang aralin. Samantalang ako po kahit minsan hindi naturuuan o natulungan ni nanay.”
“Baka naman busy lamang ang nanay mo Rico?”
“Kayo po Gng. Sales hindi po ba?”
“Rico, unawain natin si nanay mo maaaring may rason kung bakit hindi ka niya natuturuan at natutulungan sa iyong mga aralin.”
Sabay alis ni Rico.
Naiwang nag-iisip si Gng. Sales kung ano ang maaari niyang gawing hakbang para kay Rico.
Pag-uwi ng bahay nina Gng. Sales at Mina makikitang abala sa pagluluto si Gng. Sales kasabay ang paggawa ng gawaing pamparalan, maging ang pagtuturo ng leksyon kay Mina.
“Nanay maaari po bang magtanong tungkol sa aralin namin na ito?”
“Aba oo naman anak, patingin nga ako. Ah! ito ba? Madali lamang ito anak.”
“Ay! Nanay ang galing madali lamang po pala itong aming aralin.”
Habang tinuturuan ni Gng. Sales si Mina sumagi sa isipan niya si Rico.
Maaari niya pala itong turuan kahit isang oras pagkakatapos ng klase, gaya ng ginagawa niya kay Mina.
Araw ng Lunes, nasalubong ni Gng. Sales si Rico na umiiyak.
“Rico bakit ka umiiyak?”
“Gng. Sales ayaw ko na po talagang pumasok.”
“Bakit?””
May takdang aralin po kami sa Science pero kahit ano pong tanong ko kay nanay hindi po niya ako tinutulungan.”
“Ha, bakit daw?”
“Ako na lamang daw po Gng. Sales ang gumawa ng aking aralin at kaya ko naman daw po. Kaya nga po ako nagtatanong may mga bagay na hindi ko po maunawaan.”
“Rico, maaari ba akong magtungo sa inyong bahay? Kakausapin ko sana si nanay mo.”
“Kayo po ang bahala Gng. Sales.”
“O halika na Rico samahan ka namin ni Mina sa inyong bahay.”
Sa tahanan nina Rico, makikitang isang payak na pamumuhay ang mayroon sina Rico.
“Magandang araw po Gng. Sales, nahihiyang bati ni Gng. Tobias. Bakit po kayo napadalaw? Tuloy po kayo.”
“Naku! Gng. Tobias kami po ng aking anak na si Mina ay napadaan sa inyong bahay dahil may nais po akong sabihin sa inyo.”
“Ano po iyon Gng. Sales?”
“Ang inyo po kasi anak na si Rico ay ayaw na pong pumasok sa paaralan.
Rico bakit? Ayaw mo na daw pumasok?”
Walang maririnig na sagot buhat kay Rico si Gng. Tobias.
“Nakakahiya man pong sabihin pero wala daw po kayong panahon o oras para sa kanya.”
“Gng. Sales ipinaghahanda ko po siya ng pagkain, Maayos po ang kanyang uniporme at nabibigay ko kahit paano ang mga bagay na kailangan niya.
Rico, anak bakit kulang pa ba iyon?”
Isang malungkot na Gng. Tobias ang makikita habang si Rico ay naluluha sa isang tabi.
“Gng. Sales nais ko sanang sabihin kahit nahihiya po ako sa inyo. Hindi ko po kasi kaya ang mga aralin ninyo sa paaralan.”
“Gng. Tobias bakit po?”
“Hindi po kasi ako nakapag-aral gaya po ninyo. Hindi ko nauunawan ang leksyon ni Rico. Kaya naiisip po ni Rico na hindi ko po siya pinapahalagahan.”
Habang binibigkas ni Gng. Tobias ang salitang ito kay Gng. Sales makikitang pumapatak ang luha ni Rico.
Maging sina Mina at Gng. Sales ay makikitang nalulungkot kina Gng. Tobias at Rico.
“Nanay maaari po ba akong magbigay ng opinion” ang wika ni Mina.
“Ano iyon Mina?”
“Kung inyo pong ipapahintulot Gng. Tobias at nanay maaari po bang sabay ninyo po kami turuan sa mahihirap na aralin kada po labasan sa klase.”
“Aba Mina natutuwa naman ako sa iyo. Mahusay ang naisip mong solusyon sa problema ni Rico.”
Makikitang biglang simigla si Rico at sabay wika na.
“Gng. Sales, Mina tunay po tuturuan ninyo po ako habang tinuturuan ninyo si Mina?”
“Bakit hindi Rico kung iyon lamang ang magiging paraan upang hindi ka tumigil sa pag-aaral.”
“Talaga po Gng. Sales kasabay po ako ni Mina na matuturuan sa mga mahihirap na aralin” ang masayang wika ni Rico.
“Nanay ang saya ko po.”
“Maging ako man Rico” ang wika ni Gng. Tobias naluluhang sambit nito.
“Pero Gng. Sales nakakahiya po wala po kaming maibabayad sa inyo. Gipit po kami sapat lamang po ang aming kinikitang mag-asawa sa aming mga pangangailangan.”
Hahawakan ni Gng Sales ang mga kamay ni Gng. Tobias at sabay wika.
“Wala po kayong dapat alalahanin Gng. Tobias hindi po ako nagpapabayad sa pagtuturo kay Rico.”
‘Nais ko po lamang ay matulungan si Rico gaya ng pagtulong ko sa lahat ng bata na pahalagahan nila ang pag-aaral upang sa ganoon maging matagumpay sa pagdating ng araw.”
Kinabukasan makikita na abala sina Gng. Sales, Mina at Rico sa loob ng silid-aralan.
“Nanay, maaari po ninyo kami turuan kung paano po ang tamang pagkuha ng sagot sa aming aralin sa matematika?”
“Oo nga po Gng. Sales” wika ni Rico.
“Syempre naman Mina at Rico. Halika kayo at aking ipapaliwanag sa inyo.”
“Gng. Sales nakakatuwa po madali po pala ito.”
“Oo naman Mina at Rico lalo na kung inyong uunawain, pakikinggan ang pagpapaliwanag ng inyong guro.”
“Pasensya na po kayo nanay alam ko po na madami kayong gawain ay ako po ay nakaaabala po sa inyo.”
“Wala iyon anak tungkulin ng nanay na turuan kita at gabayan kita sa iyong pag-aaral.
“Siya nga po Gng. Sales. Paumanhin po bukod po kasi kay Mina kailangan ninyo din po akong turuan.”
“Wala iyon Rico at Mina at alam ninyo ba na isang mabuting gawi o asal ang pag-aaral nang mabuti.”
“Ganoon po ba Nanay?”
“Oo anak naging guro si nanay dahil nagsikap din akong mag-aral gaya mo noong bata pa ako. At bawat takdang aralin katuwang ko si Nanay sa paggawa nito. Siya at ang aking guro ay nagsilbing daan upang maabot ko ang pangarap ko na maging guro.”
“Talaga nanay, si Lola po guro din.”
“Tunay nga po Gng. Sales ang nanay ninyo guro din?”
Natatawang sumagot si Gng. Sales
“Hindi Mina at Rico siya ay isang nanay lamang pero sa pagpapatuto sa mga aralin kapag nasa bahay na ay si Lola mo ang nagtuturo. Nauunawaan mo ba ako Mina at Rico?”
“Paano po nangyari iyon nanay?”
“Gaya nito anak tinuturuan kita, kayo ni Rico sa inyong aralin.”
“Pero nanay guro ka po kasi kaya tinuturuan mo ako.”
“Hindi Mina, ang pagiging guro at nanay ay maaaring maging isang gawain ng lahat ng magulang.”
“Ah! ganoon po ba?”
“Gaya ng ginagawa natin ngayon Mina, ang iyong aralin ay ating tinatalakay at inuunawa upang masagutan upang pagpasok mo kinabukasan ay mayroon kang takdang-aralin.”
“Ay nauunawaan ko na po Gng. Sales ang inyo pong sinasabi. Pati nga po sa aming proyekto kayo po ay nagiging katuwang din po namin sa paggawa nito.”
“Kaya nais ko po sana sabihin sa inyo na maraming salamat po dahil sa inyo tumaas po ang aking grado at hindi po ako huminto sa aking pag-aaral. Ganun din sa iyo Mina naging bahagi ka din ng aking pag-aaral kasi sa tuwing may mga aralin ako na hindi ko alam isa ka sa nagbibigay impormasyon kung paano at ano ang gagawin ko.”
“Walang anuman Rico. Nanay nais ko din po kayo pasalamatan sa mga sakripisyo ninyo po sa akin, sa paggabay ninyo sa pag-aaral ko gaya ng sabi ni Rico. Tuwang-tuwa po ako at kayo ang aking Nanay. Napakabuti po ninyo sa akin at sa lahat ng mga mag-aaral. Ang dami ko pong naririnig sa mga bata maging sa magulang. Kayo ang isa sa naging dahilan kung bakit naging maayos ang kanilang pag-aaral, bukod po sa iba pang mga guro dito sa ating paaralan.”
“Proud na proud po kami sa mga guro, maituturing po kayong mga bayani.
Sabay saludo nina Rico at Mina kay Gng. Sales”
“Walang anuman anak at Rico. Lahat ng mga nanay ang tanging nais sa kanilang mga anak ay kabutihan. Palagi ninyo iyong tatandaan.
At alam ninyo ba lahat ng mga magulang ay nagsisilbing guro sa kani-kanilang mga anak.”
“Talaga po ba Nanay?”
“Oo Mina, hindi man sila tunay na guro gaya ni Nanay, pero guro silang maituturing sapagkat sila ang unang humubog sa kani-kanilang mga anak na maging mabuting bata.”
“Tama po kayo Gng. Sales. Si nanay, hindi man po niya ako naturuan sa aking aralin, pero siya po ang nagturo sa akin na maging mabait at mabuting bata. Ang paggamit ng po at opo at paggalang sa mga nakatatanda maging ito man ay hindi ko po kakilala.”
“Mahusay Rico! Tama ang lahat ng iyong mga sinabi. Mahal kayo ng inyong mga magulang at lahat ng inyong kailangan, materyal man na bagay o hindi, ay nais nila na maibigay lahat iyon sa inyo.”
“Nanay ngayon po nauunawaan ko na po ang sinasabi ng aking mga guro na maituturing na pangalawang magulang po ang mga guro.”
“Oo Mina, pangalawang magulang ang guro.”
“Sila kasi Mina ang nagsisilbing gabay natin sa loob ng paaralan. Lahat ng ating mga kailangang matutunan at kailangan hangga’t kaya nila ay ibinibigay nila sa atin,” wika ni Rico.
“Tama Rico nakakatuwa hindi ba? Kaya naman nanay ipinagmamalaki ko po kayo at gayundin ang lahat ng mga nanay sa buong mundo. Mahal na mahal po namin kayo” sabay na sambit nina Mina at Rico.
“Tungkulin namin Mina at Rico iyon.” Nakangiting wika ni Gng. Sales.
“Dahil po sa inyo, kaming mga bata ay natuto ng kabutihang-asal at higit sa lahat mayroon kaming kawilihan at positibong saloobin sa pag-aaral.”
“Bakit mo nasabi iyon Mina? Sige nga ipaliwanag mo.”
“Nanay lagi po kasi ipinauunawa ng aming guro na mag-aral daw po kaming mabuti. Kaya naman po matiyaga po kaming nag-aaral.”
“Tama anak hindi lahat ng bata ay may kakayahan na makapag-aral at dahil iyon sa hirap ng buhay.”
Yayakap nang mahigpit si Mina sa kanyang ina. Sabay sabi ng “salamat po nanay at mahal kita.”
“Walang anuman anak, karapatan ninyo ang mag-aral. Kayo ni Rico at ang bawat bata ay dapat matutong bumasa, sumulat at makapag-aral.”
Masayang Mina at Rico ang makikita habang binibigkas ni Gng. Sales ang mga karapatan nina Mina at Rico.
“Kaya naman ang tanging hiling ko sa inyo Mina at Rico, makilahok kayo sa mga gawain maging ito man ay sa ating tahanan o paaralan, at higit sa lahat laging pahalagahan ang pag-aaral.”
“Bakit po kailangan po ang pakikilahok Gng Sales, tanong ni Rico?”
“Ang pakikilahok sa gawain o ang pag-aaral ay isang mabuting asal.
Ganoon po ba” wika nina Rico at Mina?
“Oo Mina at Rico. At alam ninyo ba kinagigiliwan ang mga bata na marunong makilahok o matulungin sa gawain.”
“Kaya po pala nanay sabi ng aming guro kanina, salamat sa inyo mga bata. Dahil kami daw po ay may pagkukusa sa paglilinis ng aming silid-aralan. Kahit wala po siyang ipinag-uutos ay natapos daw namin ito.”
“Mabuti naman Mina at Rico at isa kayo sa mga batang mayroong kawilihan sa gawaing pampaaralan at maging sa pag-aaral.”
“Wala po iyon nanay lagi ko po kasi naming tinatandaan ang inyong mga pangaral sa akin bukod po sa tagubilin ng aming guro.”
“Ako din po Gng. Sales, palagi ko pong tinatandaan ang tagubilin ninyo at ni nanay na ang edukasyon ay isang kayamanan na kahit kailan ay hindi mananakaw.”
Mabillis na lumapit si Gng. Sales kay Mina at Rico at niyakap ang dalawa nang buong higpit.
“Hayaan ninyo po nanay sisikapin ko po na maging matagumpay at makapagtapos ng pag-aaral.”
“Talaga anak? Salamat nang marami kung ganun.”
“Ako din po Gng. Sales pangako ko po pati kay nanay na mag-aaral po akong mabuti at palaging makikinig sa inyong mga payo.”
“Pangako po, mag-aaral po kami at makapagtatapos ng pag-aaral” ang masayang wika nina Rico at Mina.
“Pinasasaya ninyo ako Mina at Rico sa inyong mga sinasabi.”
“Nanay pati po sa aking guro akin pong ipapakita sa kanila na dapat magkaroon ako ng positibong pananaw at kawilihan sa pag-aaral. Ayaw ko pong masayang ang sakripisyo ninyong mga guro.”
“Maraming salamat sa inyo Rico at Mina, dahil kahit anong hirap o hamon ng buhay ang inyong kinakaharap, ang pagiging mabuting bata ay lagi ninyong ipinamamalas.”
“Wala pong anuman nanay. Handog ko po sa inyong mga guro ang lahat ng aming mga pagsusumikap.”
“Tuwang tuwa ako sa inyo Mina at Rico. Asahan ninyo katuwang ninyo ako at ang lahat ng guro sa inyong mga hangarin at pangarap sa buhay na makapag-aral kayo ng mabuti at nang magkaroon kayo nang maayos na buhay. Palagi ko kayong gagabayan sa inyong pag-aaral.”
Araw ng pagtatapos.
“Isang mapagpalang araw po sa mga magulang, mga guro, mga panauhin at sa lahat ng mga batang nagsipagtapos.
Natutuwa po ako unang-una sa aking mga magulang, nanay, tatay salamat po sa inyo.
Kayo ang isa sa mga dahilan bakit ako nasa entablado ngayon. Gusto ko po kayong bigyang pagpupugay sa mga sakripisyo po ninyo at gayundin po sa lahat po ng mga magulang na naririto upang makapagtapos po kami ng pag-aaral.”
Malakas na palakpakan ang naririnig.
“Sa aking mga kapwa kamag-aral isang napakahalagang pangyayari sa buhay natin ang araw na ito. Nais kong ipabatid sa inyo na ang bawat isa sa atin ay nakalampas sa mga hamon at balakid ng buhay. Tayo ang buhay na saksi anumang hamon kakayanin natin basta maniwala lamang tayo at higit sa lahat manalig sa Poong Maykapal.
Sa mga guro na naging bahagi ng aking tagumpay, tanggapin po ninyo ang aking pasasalamat.
At higit sa lahat nais kong magpasalamat nang lubos sa iyo.
Ikaw ang isa sa malaking bahagi kung ano ako sa ngayon, lahat ng sakripisyo mo nagkaroon ng kabuluhan. Kabuluhan na kung saan ang batang nawawalan ng pag-asa noong una, batang ayaw ng
mag-aral, batang iniisip na hindi na dapat pang mag-aral. Binago mo ang takbo ng aking buhay at maging ang aking pananaw. Ngayon iyong nasasaksihan ang isa sa napakalaking pagbabago, isa na rito ay ang makarating ako sa entablado na ito na may karangalan. Karangalan na nais kong isa ka sa handugan. Ngayon may isa pa akong hinahangad iyon ay ang hangarin makapag-aral pa sa mataas na antas upang sa ganoon maging ganap ang katagumpayan at lubusan mo akong maipagmalaki na ako ay naging bahagi ng iyong karera. Kaya hayaan ninyo pong aking sambitin ang isang taos pusong pasasalamat sa iyo Gng. Sales, sapagkat Ako ay Ako, Dahil sa Iyo.”