Return to site

AHON 

LEONOR T. JACINTO

· Volume IV Issue I

Kung ika’y aking pagmamasdan

Bakas hirap na pinagdaanan

Bagsik bagyong nagpaikot-ikot

Pait at dalamhati ang dulot.

 

Abong bumalot sa sambayanan

Pagsabog ng bulkang di-mapigilan

Bahang rumagasa sa daan

Ilan lamang sa mga naranasan.

 

Kalamidad ma’y kaliwa’t kanan

Pagsubok na di maiwasan

Mga trahedyang pilit nilalabanan

Pandemyang gumimbal sa lipunan.

 

Ramdam ang iyong panghihina

Pasakit na dala ng mga sakuna

Subalit ika’y di nagpapatinag

Nananatiling malakas, matatag

 

Ang pagbangon mo’y inspirasyon

Unti-unti ang iyong pag-ahon

Sa gitna ng di-mabilang na hamon

Ika’y laging handa anumang panahon.

 

Bangon, bayan! Huwag padadaig

Sa mga kalaban, di palulupig

Ikaw ma’y pilit tinutumba

Huwag sumuko, lumaban ka!

 

Mga mamamayan mo’y namulat

Bukod-tanging pagpapamalas

Tibay ng loob sa’yo nag-ugat

Ipagbunyi bansang Pilipinas!

 

Masidhing pagpupugay para sa’yo!

Alay ng milyun-milyong Pilipino

Ikaw ang tunay na idolo!

Ikaw ang lupang ipinangako.