Return to site

4 P’S: SCHOOL PANTRY PANTAWID PARA SA PAMAYANAN

JAIHRA JOY M. ESTEBAN

· Volume II Issue IV

Hindi lingid sa nakakarami ang pagsubok na kinakaharap ng buong mundo. Walang pagbubukod o hindi kasama sa naturang sigalot na nararanasan maging ng ating bansa. Lahat ay parte at apektado mapamayaman, mapamahirap, bata man o matanda, may posisyon sa lipunan o wala, o kahit anong estado pa ng buhay ang meron ka. Dala ng pandemya marami sa ating mga mamamayan ang naghihikahos. Mula ng tumama si COVID-19 marami ang nagbago ang takbo ng kani-kanilang buhay. Marami sa atin nawalan ng trabaho, nawalan ng ihahain sa hapag kainan, banggitin din natin mga nawalan na ng bait at ang pinaka masakit sa lahat ang pagkawala ng mga minamahal natin sa buhay. 

Batid nating lahat ang epekto ng pandemyang ito ngunit hindi tumitigil at nauubos ang pag-asang mayroon tayong mga Pilipino. Ang pagmamalasakit, pagtutulungan at pagmamahal ay nananatili at nagpapatuloy sa puso ng bawat isa. Kaya naman hindi rin nawawala ang ibat-ibang pamamaraan na maaari nating magawa upang tayo ay bumangon mula sa pandemyang ito. Kilala tayong mga Pilipino bilang isa sa mga mapamaraang mamamayan at may pagmamalasakitan. Isa sa mga paraang naisip at ngayon ngay matunog at namamayagpag sa social media at sa iba’t-ibang lugar ay ang pagtatayo ng “Community Pantry”. Kasunod na nitoy ang pagtulong ng iba’t-ibang ahensya mapapubliko man o pribado. Gayundin ang pangunguna ng mga paaralan sa pagtayo ng mga “school pantry” bilang kontribusyon sa kani-kanilang pamayanan. Mula sa pinagsama-samang sikap at kontribusyon ng lahat ng mamamayan ay naging isang malaking tagumpay ang pagtatayo nga ng mga “school pantry” na sinimulan mula sa iba’t-ibang parte ng bansa. Ang programang ito ay inilunsad bilang parte nadin ng naturang Brigada Eskwela. Isa itong malaking tulong sa pamayanan. Higit lalo na sa mga pamilyang kapos at sobrang naapektuhan, nawalan ng trabaho at pagkukunan. Pantawid para sa araw-araw na pangangailangan lalo na sa mga kumakalam na sikmura at sa mga tahanang walang maihahain sa hapag kainan. Sa ganitong simpleng pamamaraan maipapakita ang ating pagbabayanihan. Walang iwanan sa gitna ng pandemya.